BOMBO DAGUPAN- Hindi na umano kinakailangan pa ng abogado upang maghain ng demanda laban sa mga tinakbuhan ang pinautang na “small claims”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joey Tamayo, Dura Lex Sed Lex Co-Anchor, ang “small claims” ay ang mga pinautang na hindi hihigit sa P1-million.
Nakapaloob kase sa Local Government Code, hindi na pinapayagan na magdala ng abogado sa ganitong sitwasyon dahil nauuwi lamang sa hindi pagkaka-areglo.
Ani Atty. Tamayo, sa oras na nagpasa ng demanda ang nagpautang, papadalhan ng sheriff ng summon ang inirereklamo.
Pagbabasehan naman ng hukuman ang mga ebidensya kalakip ng isang affidavit.
Gayunpaman, mainam na pag usapan ang reklamo dahil maaari naman itong maareglo sa iba’t ibang pamamaraan na pagkakasunduan ng dalawang partido.
Kung hindi naman ito tinanggap ng inirereklamo, isasapubliko umano ito. Kung nagtatago naman ito, mapapatawan pa rin aniya ng kaparusahan kung hindi ito sumagot sa loob ng nasabing oras. Maaari din magdesisyon na lamang ang hukuman na idaan sa ari-arian ng inirereklamo ang magsisilbing kabayaran sa nasabing utang.
Kung wala naman kakayahan bayaran ng buo, maaaring ilakip sa sweldo ng inirereklamong partido upang unti-unti itong mahulugan.
At kung pumanaw naman na ang nagkakautang, maaaring idaan sa “settlement of estate” o ang pakikibahagi sa ari-arian bilang kabayaran din sa inutang.
Binigyan linaw naman ni Atty. Tamayo na isa itong kasong sibil kung hindi talaga magawang mabayaran ang inutang na pera.
Maaari lamang itong maging kasong kriminal kung may bahid ng estafa o panloloko.