BOMBO DAGUPAN- Isa sa suliranin na kinakaharap ng mga kabataang kababaihan sa Pilipinas ang banta ng cervical cancer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Joseph Soriano, isang US Doctor & Natural Medicine Advocate, kapag nagkaroon ng impeksyon sa cervix katulad ng papilloma virus ay magtutuloy-tuloy ito sa tinatawag na cancer.
Ang pangunahing sintomas ng nakakaranas nito ay ang pagkakaroon ng spotting o ang konting pagdudugo sa ari ng babae kahit hindi pa nito kabuwanan. Maliban dyan, nagkakaroon din ng vaginal discharge na nagiging sanhi ng pagbabago ng amoy nito.
Paglilinaw pa ni Dr. Soriano, mas mataas ang risk nito sa mga kabataang babae na may maagang karanasan sa pakikipagtalik o kaya ang may multiple partners. Gayundin, sa mga may hindi magandang lifestyle, katulad ang paninigarilyo sa maagang edad.
Kaugnay nito, sa pagsisimula ng puberty ng batang babae ang pinakasimulang edad na maaaring tumaas ang risk nito sa naturang sakit. Ngunit sa middle age lumalabas ang full diagnosis nito.
Gayunpaman, mas prone ito kung nakumpromiso ang kanilang immune status.
Samantala, nakadepende ang paggamot nito kung gaano na ito kalala. Subalit, kung malala na ito ay kinakailangan na dumaan sa chemotherapy at surgical removal.
Kung pagdating naman sa herbal preparations, kailangan ihanda ang sarili ng 1 taon na mas maaga.
Payo naman ni Dr. Soriano, maiging dumaan sa Smear Test o sa Cervical Screening ang isang batang babae upang malaman agad kung ito ay mayroon nang naturang sakit.