DAGUPAN CITY- Apektado ang mga mango growers sa Central Pangasinan sa kasalukuyang nararanasang pag-oversupply ng mga manga
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mario Garcia, Presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, marami kase ang mango grower at contractor sa bayan ng San Carlos, Calasiao, Sta. Barbara, Urdaneta, Bayambang, at Urbiztondo.
Nagkasabay-sabay kase aniya ang harvest season ng mga mangga kaya nagdulot umano ng pag oversupply nito.
Napuno na rin ang ibang mga buyer kaya pahirapan ang mga magsasaka na makahanap ng bibili ng kanilang inaning mangga.
Limitado rin kase ang alokasyon ng mga planta, maging mga exporters, kaya nauuwi din sa pagkabulok ang mga sobrang naani.
Kaya wala rin aniya silang magawa kundi itapon na lamang ang mga hindi tinanggap na mga mangga.
Dahil diyan ay bumagsak sa P20-P25 per kilo ang farm gate nito. Bumagsak pa aniya ito ng P10-P15 per kilo noong nakaraang linggo.
Kaugnay nito, tinatayang maliit lamang ang kanilang mababawi mula sa kanilang kapital.
Maliban kase sa mababang presyo, malaki din ang kanilang ginastos sa pag harvest at pag-bagging.
Samantala, inaasahan nilang mararanasan pa ito hanggang katapusan ng Mayo dahil mayroon pang mga mango growers na nagsisimula pa lamang sa kanilang pag-ani.
Gayunpaman, hinihikayat pa din ni Garcia ang mga mango growers na magpatuloy dahil tiyak naman ang kikitain kung hindi magkaroon ng oversupply.