Dagupan City – Suportado ng Bantay Bigas ang mandato ng National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng mas murang bigas sa merkado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa Spokesperson ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo, nanindigan itong sang-ayon ang kanilang organisasyon sa mandato ng NFA sa pamamagtan ng subsidized rice sa layuning mapababa ang presyo ng bigas.

Aniya, kinakailangang lakihan ang pondo ng NFA para mabili ang significant volume ng mga magsasaka at upang makamit ang dami ng target volume para sa national buffer stock.

--Ads--

Binigyang diin naman nito na kinakailangan na ring magbigay ang pamahalaan ng dagdag budget upang mai-upgrade na ang storage capacity nito.

Kaugnay nito, nauna nang sinabi ni Estavillo na mas maganda kung bibilhin ang palay sa mga magsasaka ng nasa P20 per kilo upang hindi na muling dumanas ng pagkalugi ang mga ito.

Samantala, upang mas lalo pang mapalago ang ekonomiya ng agrikultura sa bansa, nanawagan naman ito sa pamahalaan na gumawa ng aksyon upang mapababa ang presyo ng mga binhi, renta sa makinarya, subsidiya, at abono sa pagkamit ng mas mababang cost of production.