DAGUPAN CITY — Marami ang aalma.

Ito ang naging sentimyento ni Noreen Barber, isang guro sa isang paaralan sa Alaminos City, kaugnay sa kinokonsidera ng Department of Education na pagsasagawa ng make-up classes sa ilang Sabado sa pagtatapos ng School Year (SY) 2024-2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kasabay ng konsiderasyon ng kagawaran ay marami itong kaakibat na mga katanungan tulad na lamang kung ito ba ay may kasamang pagtaas sa sahod ng mga guro,

--Ads--

Aniya kinakailangang ikondsidera ng ahensya ang mawawala na oras sa pamilya ng mga kaguruan at gayon na rin ang karagdagan na panahon sa maraming oras na ginugugol nila sa pagtatrabaho.

Saad nito na hindi magiging episyente at epektibo ang panukala na ito.

Hindi rin nito aniya mareresolba ang anumang kakulangan na nakabaon na sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Sa halip ay ang trabaho ng mga nakatataas ang kailangan nilang pagtuunan ng pansin at hindi lang iasa sa mga nasa baba na hindi naman nabibigyan ng sapat na benepisyo at sahod.

Saad pa nito na hindi lamang kasi dagdag na trabaho ito para sa mga guro at mas maraming oras para sa mga bata subalit malaki rin ang epekto nito sa kanilang pisikal at sikolohikal na kalusugan.

Aniya na sa halip sa ganitong pamamaraan ay mas mainam kung lilikha ang gobyerno ng mas komprehensibong solusyon sa pagtugon sa krisis sa edukasyon ng hindi ninanakaw ang tanging oras ng mga guro para sa kanilang pahinga at sa kanilang pamilya.