BOMBO DAGUPAN — Walang naiwan at sumunod lahat sa consolidation.
Ito ang ibinahagi ni Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) President Melencio “Boy” Vargas sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Ito ay patungkol sa nagtapos na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno noong nakaraang Abril 30.
Saad nito na wala aniya sa kanilang mga miyembro ang nagrereklamo dahil sumunod sila lahat sa nasabing programa.
Aniya na bago pa man magtapos ang PUVMP ay sinabihan na nito ang kanyang mga kasamahan na kung nais nilang maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay ay sumunod ang mga ito sa modernisasyon.
Sinabi pa nito na ang nakakaawa sa ngayon ay ang mga hindi sumunod at sa halip ay nagsagawa ng sunod sunod na kilos protesta kung saan wala naman aniya silang mga napatunayan.
Kaugnay nito, dahil mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang nagsalita na wala ng pagpapalawig pa sa nasabing programa, ay nakalatag na rin ang kanilang mga susunod na hakbangin.
Partikular nitong binanggit ang Magnificent 7 na kinabibilangan ng iba’t ibang transport groups.
Pangungunahan naman aniya ang magiging talakayin hinggil sa magiging tulong ng gobyerno sa mga nagpa-consolidate lalo na sa pagkuha ng kani-kanilang modernized units.