DAGUPAN CITY- Hindi dapat ipawalang bahala ang banta ng heat exhaustion at heat stroke mula sa tumataas na mainit na temperatura sapagkat hindi umano ito pangkaraniwang sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Via Roderos, representative ng Healthy Philippines Alliance, nagkakaroon na umano ng heat stroke sa tuwing hindi na kinakaya ng katawan na mapanatili ang mainit na temperatura.
Aniya, ang pawis ang natural cooling system ng katawan ngunit dahil sa sobrang init ay maaari itong hindi gumana na siyang nagdudulot din ng heat stroke.
Maaari aniya makadevelop nito sa loob lamang ng 10-15 minuto lalo na sa oras na alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
May posibilidad itong magdulot ng komplikasyon sa puso, pagkawala ng malay, at higit sa lahat, pagkamatay.
Ang heat exhaustion naman ay ang pagkapagod ng katawan dahil sa sobrang exposure sa mainit na temperatura. Nagkakaroon umano ng hindi balanseng sa pag regulate ng body temperature.
Hindi man ito kasing lala ng heat stroke ngunit maaari naman itong magdala ng nasabing kondisyon kung hindi naagapan.
Samantala, pinakaapektado naman sa mga ito ay ang mga may comobidities o nagpapagaling na katawan, immunocompromised state o may mahinang immune system, at ang mga nagtatrabaho sa ilalim ng tirik na araw.
Maaari naman malaman kung nakakaranas na ng heat stroke ang isang tao kapag ito ay may mainit na balat, namumulang balat, at nawawalan ng malay.
Sa oras na makitaan ng ganitong senyales, agad ilipat ang nakakaranas sa lugar na may magandang bentilasyon upang makatulong sa pagbaba ng temperatura nito.
Mas makakatulong din na makahinga ang pasyente sa pagluwag ng damit nito.
At kung may malapit naman na paggamutan ay mas mabuting agad itong itakbo.