DAGUPAN CITY- “Gyera sa araw ng Paggawa.”
Ito ang deklarasyon ni Dindo Rosales,Former Secretary General, Alyansa Kontra PUV Phase Out, patungkol sa naging pahaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanggang April 30 na lamang ang deadline ng consolidation at wala nang extension pa.
Sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi niyang may pananagutan at utang umano ang presidente sa kaniya at maging sa mga drayber at operator ng PUV at PUJ dahil sa panloloko ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Dahil may konsepto aniya ang presidente ng pagpapautang mula sa mga monopolyadong komunista.
Ipinangako kase ng Pangulo na hindi na kinakailangan magpalit pa ng sasakyan at aayusin na lamang ito o baguhin kung kinakailangan.
At kung maipasa ito sa standard requirement ng Land Transportation Office ay maituturing nang modernized.
Aniya, taong 2017 niya pa sinimulan ang paglaban kasama ang mga prominenteng samahan sa sektor ng pampublikong transportasyon kontra sa phase out.
Gayunpaman, wala man siyang kasama ngayon ngunit patuloy pa rin aniya siyang tatayo upang ibasura ang naging ugat ng kaguluhan.
Madiin niya ding sinabi na papatunayan niyang illegal at kolorum ang pagpapatupad ng programang modernisasyon. Gayundin na wala umano ito sa konstitusyon.
Dagdag pa niya na hindi dapat mawala ang traditional jeepney dahil bahagi na ito ng kasaysayan. Hindi rin umano ito pagmamay ari ng gobyerno kundi ng mga indibidwal at single operator.
Kaya kaniyang hinihikayat ang kaniyang mga kapwa kasamahan sa sektor ng transportasyon na labanan ang pananakot mula sa programa at samahan siyang tumindig sapagkat kaniyang sinampahan na ng kaso sa Ombsudsman ang mga bumuo ng nasabing programa.