DAGUPAN CITY- Buong tanggap ng True Colors Coalition ang pahayag ng Vatican ang ipabilang ang diskriminasyon sa LGBTQ Community bilang hadlang sa pagtugon sa dignidad ng mga tao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jhay De Jesus, ang spokesperson ng nasabing koalisyon, nais lamang nila paalalahanan ang Vatican na maging consistent sa pagtindig at pagkilala sa iba’t ibang karapatan at identidad sa bawat indibidwal.
Ito aniya kase ang nakikita nilang ugat sa nararanasang diskriminasyon ng komunidad.
Kaugnay nito, nais din nilang paalalahanan ang gobyerno sa kahalagahan ng Anti-Discrimination Law at maging sa localized counterpart nito upang magkaroon talaga implementasyon at aksyon sa mga nararasang diskriminasyon ng queer members.
Dapat lamang matiyak na may batas na sumisiguro sa seguridad ng mga LGBTQ.
Giit pa niya, karamihan sa mga ito ay hindi nabibigyan ng sapat na hustisya at nadodoble lamang ang diskriminasyon.
Idiniin pa ni De Jesus na isa sa pinakamahalagang bahagi ng nasabing batas ang magkaroon ng tiyak na edukasyon sa bawat isa at mapaunawa ang usaping SOGIE Bill.
Matagal na din kase itong usapin at ipinaglalaban ng komunidad ng LGBTQ.
Dagdag pa niya, ang isang batas ay hindi lang dapat punitive o mapagparusa kundi tuluyan nang maiwasan ang nararanasang suliranin.
Samantala, patuloy ang panawagan ng True Colors Coalition na ang bawat miyembro ng LGBTQ community ay bahagi din ng lipunan.