Dagupan City – Hindi nangangahulugan na ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maiiwasan na ang mga insidente ng pangha-harass ng China sa West Philippine Sea na titigil na ang China.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist kaugnay sa pahayag ng pangulo na umaasa ito na maiiwasan na ang mga insidente ng pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS) matapos ang multilateral maritime cooperative activity.
Sinabi ni Yusingco na bagama’t senyales ito ng daan para maging maayos na ang relasyon ng dalawang bansa ay hindi pa rin ito sapat upang ibigay ang buong tiwala dahil walang sinuman ang makapag-sasabi kung ano ang binabalak ng China.
Sapat din aniyang tutukan ang nakagawian na ng Pilipino na tumatanaw ng utang na loob, at aniya, walang puwang ang mga ganitong bagay pagdating sa paniniguro ng kapakanan ng bansa.
Binigyang diin naman nito na mayroon man o walang nangyaring kasunduan, ay kinakailangan pa rin ng bansa na pagtibayin at palakasin ang national defense ng Pilipinas.