DAGUPAN CITY- Inaalala sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ang katapangan ng mga pwersa ng mga Pilipinong Militar laban sa mga Hapon sa labanan sa Bataan at sa Death March.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Reswarcher ng National Historical Commission of the Philippines, nagsisilbing inspirasyon at pasasalamat sa mga ninuno ng ating bansa ang paggunita ng nasabing araw dahil sa sakripisyong ibinigay nila para sa kapayapaang mayroon ang Pilipinas sa kasalukuyan.
Aniya, nakaukit na sa kasaysayan ng Pilipinas ang kagitingan ng mga Pilipino dahil sa tuloy-tuloy na pananakop sa bansa.
Maliban kase sa mga militar na lumaban at dumanak ang dugo, naipakita din ang tapang mula sa paghatid ng suporta sa labanan ang mga manggagamot at gobyerno ng bansa noon.
Isa aniya itong aral partikular na sa pagharap sa mga kasalukuyang hamon sa bansa at maging sa buhay.
Samantala, para kay Agbayani, hanggang sa ngayon at malinaw ang kagitingan ng mga Pilipino lalo na sa mga sundalong nakikipagsapalaran sa suliraning kinakaharap ng West Philippine Sea.
Gayundin sa mga mangingisdang pumapalaot kahit may pangambang pagbanta muli mula sa China.
Upang mas mapalawak pa ang kagitingan, kailangan aniyang pahalagaan ang mga kababayang nagpapakita nito.
Sinabi niya na pagkakataon ang paggunita nito sa Abril 9 upang bigyang pagpapahalaga ang katapangang ipinakita ng mga Pilipino noong pang ipinaglalaban pa lamang ang kalayaan ng bansa.
Kaugnay nito, may nakahadang aktibidad ang kanilang komisyon para sa araw na ito upang alalahanin ang pangyayari sa bansa noong panahon ng World War II.