DAGUPAN CITY- Labis na naaapektuhan ang mga magsasaka sa patuloy pa rin na nararanasang mainit na panahon sa Bongabon, Nueva Ecija.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Raul Rubio, magsasaka sa nasabing lugar, pinapabilis ng mainit na tempertura ang pagpisa ng itlog ng mga peste na nagiging sanhi ng pagkasira ng kanilang pananim partikular na sa mga maisan.
Dahil din sa El Nino, naaapektuhan din aniya ang suplay ng pinagkukuhanang tubig sa isang malalim na balon.
Sinabi ni Rubio, lalo aniya tumaas ang kanilang gastos sa sakahan dahil sa mamahaling mga gamot laban sa mga peste at diesel para sa water pump.
Aniya, nakakagamit sila ng isang bote ng mamahaling gamot na tumatakbo sa halagang P2,400 para sa isang ektaryang lupain.
Kinakailangan nila itong gamitin hanggang sa mamulaklak at mamunga ang mga pananim.
Umaabot naman sa 10 litro ng diesel ang nagagamit ni Rubio sa loob ng maghapong pagpapatubig.
Ito lamang aniya ang kanilang tanging paraan hanggang sa sumapit ang tag-ulan upang matubigan ang kanilang mga pananim.
Gayunpaman, magiging maganda pa rin ang kanilang aanihin kung patuloy ang pag spray ng insecticide at sapat na pagpapatubig.
Samantala, pagkatapos ng anihan ng mais sa katapusan Hulyo, papalakasin muna ni Rubio ang lupa ng kaniyang sakahan at tsaka isusunod naman ang sibuyas sa buwan ng Oktubre.
Nanawagan naman si Rubio sa pamahalaan na pakinggan ang kanilang mga hinain dahil hindi na aniya nagiging balanse ang ginagastos ng mga magsasaka.
Nais din niya na ipatigil ang importasyon lalo na sa panahon ng anihan sapagkat naaapektuhan nito ang lokal na produksyon.