DAGUPAN CITY- Nabuksan umano ang pagkakataon ng mga guro na maipakita ang kanilang karapatan dahil kailangan mabigyan ng linaw ang tungkulin ng mga ito sa mga mag aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Renato Santillan, Principal sa Judge Jose De Venecia Sr. Technical-Vocational Secondary School, hindi madaling disiplinahin ang mga estudyante na may iba’t ibang ugali at kinalakihang kasanayan. Gayunpaman, kailangan pa rin maituro ng guro ang asignaturang kailangan nitong maituro.
Para sakaniya, naglalabas lamang ng damdamin ang gurong kamakailang nagviral dahil sa video nitong nagpapakita ng panenermon sa kaniyang mga estudyante.
Kumapara sa nakaraan, mas madali aniyang magdisiplina sa mga estudyante dahil hindi pa umano naipapatupad ang Child Protection Policy at nagagawa pa nila ang kani-kanilang pamamaraan ng pagdidisiplina.
Aniya, inilalagay lamang ng guro ang katayuan nito bilang pangalawang magulang dahil sa pagnanais na magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga mag aaral. Ngunit binigyang linaw din niya na ang pangunahing pagdidisiplina ay mag mumula sa magulang.
Ibinahagi naman ni Santillan sa karanasan nito sa pisikal na pandidisiplina ngunit hindi aniya ito ipinaranas sa kaniyang mga mag aaral kahit gaano pa kahirap disiplinahin ang mga ito.
Bilang isang punong guro naman ng naturang paaralan, kaniyang pinapaalala lagi sa mga guro ng paaralan na alalahanin ang nasabing child protection policy at habaan ang kanilang pasensya.
Samantala, payo naman ni Santillan sa mga guro na gumagamit ng online platform, mas maiging gamitin na lamang ito upang makapagbigay ng inspirasyon sa mga mag aaral at kapwa guro.