Dagupan City – Magiging investment hub na ang lalawigan ng Pangasinan sa Northern Luzon dahil sa pagkakaroon ng Pangasinan Link Expressway o PLEX project. Ito ang naging pahayag ni Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III kaugnay sa isinagawang groundbreaking ceremony and unveiling of marker kamakailan sa Bypass Road ng Brgy Balligi, sa bayan ng Laoac.
Ayon kay Guico, unti unti ng naisasakatuparan ang tagumpay sa pag unlad ng lalawigan. Aniya, ang pinakamahalagang investment na tinututukan ay ang tinatawag na ‘human capital’ o ang pag-iinvest sa bawa’t mamamayan. Layunin nito na tutukan ang mga manggagawa na magkaroon ng kaalaman o skill na siyang pangunahing bentahe sa trabaho.
Dagdag pa ng gobernador, ang pagbibigay ng tama at makabagong teknolohiyang kagamitan sa mga mangaggawa na siyang nagiging daan upang mas mapadali ang kani-kanilang mga gawain.
Nauna ng sinabi Guico na ang mga potential ng lalawigan ay matagal nang nakaukit, ngunit hindi lamang pinapansin. Kaya sa pamamagitan ng mga ipinatatayong PLEX project ay layuning mapaunlad ang ekonomiya at mas dumami pa ang mga investors na siyang magiging susi sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan.
Samatala, nagpaabot naman si San Miguel Corporation Infrastructure President at CEO Ramon S. Ang ng kaniyang pasasalamat sa gobernador at kay Vice Governor Mark Ronald Lambino sa kanilang walang sawang pagsusulong sa proyekto sa lalawigan hanggang sa maisakatupan ang mga ito.