Dagupan City – Bumaba na ng 80% ang mga naitatalang suicide incident sa lalawigan ng Pangasinan kumpara noong nakaraang taon.
Ito ang binigyang diin ni PCapt. Renan Dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Dela Cruz, bagama’t umabot na sa 31 ang mga naitatala ngayong taon, ay mas mababa naman ito kung ikukumpara sa parehong araw noong nakaraang taon kung saan ay umakyat ito kaagad sa 54.
Aniya, maituturing na malaking epekto ang nararanasang depresyon ng bawa’t indibidwal sa pagresulta ng pagpapa-katiwakal o pagkitil sa sariling buhay.
Kung kaya’t mahalaga aniya ang obligasyon at gampanin ng bawa’t miyembro ng pamilya na siyang pangunahing nagbibigay ng suporta at pagmamahal.
Kaugnay nito, patuloy naman ang isinasagawang prevention action ng kanilang hanay sa Pangasinan Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director Pcol. Jeff E. Fanged, gaya na lamang ng pag-iikot sa mga kabahayan, paaralan, at pagpapatupad ng family counseling katuwang ang bawa’t lokal na pamahalaan sa lalawigan at ang faith-based community.
Paalala naman nito sa publiko na bukas ang kanilang tanggapan at manyaring tumawag lamang sa kanilang numero na 0917-148-9938.