DAGUPAN CITY — Halos wala ng inaning mga sibuyas ang mga magsasaka.

Ito ani Mark Paul Rubio, isang onion farmer mula sa Bongabon, Nueva Ecija, ang nararanasan ngayon ng nasa daan-daang mga magsasaka ng sibuyas matapos na atakihin at sirain ng mga harabas ang kanilang mga pananim.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na may isang onion farmer ang namuhunan ng P20,000 para sa pagtatanim ng sibuyas, subalit dahil sa pagatake ng mga harabas ay nakaani lamang ito ng nasa limang sako ng sibuyas na katumbas lamang ng P4,000.

--Ads--

Mayroon din aniya itong nakausap na magsasaka na namuhunan ng P700,000 para sa pagtatanim ng sibuyas, subalit dahil sa pagatake ng harabas ay umani lamang ito ng nasa P370,000.

Aniya na maliban sa ilang mga barangay sa Bongabon ay nakakaranas din ang mga bayan ng Rizal at Pantabangan ng pamiminsala ng mga harabas kung saan ay halos wala ng maani ang mga magsasaka.

Dagdag pa nito na malaki naman ang epekto ng nararanasan nilang suliranin ngayon sa farmgate price ng mga sibuyas, dahil magkaiba ang presyuhan ng mga hinarabas na produkto sa mga magagandang ani.

Paliwanag nito na ang mga sibuyas na hinarabas ay hanggang farm-to-market lamang at hindi maaaring ipasok sa mga cold storage facility kaya naman naglalaro ang presyuhan nito sa P35/kilo, subalit nakadepende pa rin ito sa kalidad at itsura ng mga sibuyas, kumpara naman sa mas magagandang klase ng sibuyas na naglalaro sa P40-P45/kilo.

Samantala, ikinalulungkot naman nito na sa mga ganitong pagkakataon ay walang ginagawang anumang aksyon ang Kagawaran ng Pagsasaka upang matulungan sila.