Dagupan City – ‘Justice served.’
Ito ang binigyang diin ni PCAPT Renan Dela Cruz – Public Information Officer, Pangasinan Police Provincial Office sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya hinggil sa ginawang walang awang panghahalay at pagpatay sa isang college student sa Lingayen na kinilalang si alyas “Ally”.
Ayon kay Dela Cruz, sa pangunguna ng Lingayen Police Station, Scenes of Crime Officers at sa tulong ng mga nakasaksi ay natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek na pinangalanang si alyas “Jesse” na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan.
Batay din sa salaysay ng mga nakasaksi, napansin nila ang suspek na lasing at tila naghihintay sa sulok bago nangyari ang insidente, malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Kasunod ito ng sinabi ng isang mangingisda sa lugar, partikular na sa Sitio San Gabriel, Brgy. Balangobong sa bayan, kung saan ay dakong alas 9 ng gabi ng marso 10, parehong araw kung kailan ginawa ang karahaasan ay tumambad na lamang ang katawan ng babae sa kaniya at wala na itong saplot pang-ibaba. Agad naman niya itong itinawag sa mga opsiyal at dinala pa ito sa hospital ngunit idineklara ring wala ng buhay.
Lumabas naman sa imbistigasyon, na matagal na umano itong may pagtingin sa biktima, at sinamantala nito ang pagkakataon na abangan ang biktima sa pagpunta nito sa bahay ng kanyang lola. Sa datos ngayong taong 2024, ito pa lamang ang unang insidenteng naitala sa lalawigan.
Nangako naman si Dela Cruz, na patuloy ang kanilang isinasagwang monitoring at pagpapatrolya, kung saan ay patuloy din ang pagpapakalat ng mga pulisya sa bawa’t barangay lalo na ngayong ginaganap ang mga kapistahan upang mas masiguro ang kaligtasan ng mga residente.