DAGUPAN CITY — Mahalaga na mainbestigahan at mapanagot ang mga napatunayang may kasalanan o sangkot sa umano’y kontrobersyal na pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng tone-toneladang bigas sa ilang piling rice retailers.

Subalit mahalaga rin na maunawaan o masuri kung bakit nangyari ang bagay na ito.

Ito ang naging sentimyento ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa naging pagpataw ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman kay National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco at ang nasa 139 na opisyal at empleyado ng ahensya kasunod ng nabulgar na pagbebenta ng rice bufferstock.

--Ads--

Aniya na kung matatandaan, ang role at function ng National Food Authority ay ang tinatawag na Trading and Marketing function, kung saan ay bumibili ang opisina ng palay direkta mula sa mga magsasaka na tinatawag na NFA Support Rice, at sa oras na mayroon na silang palay ay kanila itong ibinebenta sa P27/kilo ng regular-milled rice, at P32/kilo naman para sa well-milled rice.

Subalit noong naisabatas ang Rice Liberalization Law noong Pebrero 14, 2019, ay naiba na ang role and function ng National Food Authority dahil sa pagbabawal ng naturang batas sa ahensya na bumili ng palay at sa halip ay bumibili na lamang ito ng bigas para sa bufferstocking.

Kaya naman naniniwala ang kanilang hanay na ang nangyaring pagbebenta ng administrasyon ng bigas ay may kaugnayan sa mga umiiral na polisiya ngayon bunsod ng pagsasabatas ng Republic Act 11203 o mas kilala bilang Rice Liberalization Law.

Aniya na kung wala kasi at huindi umiiral ang Rice Liberalization Law ay malayo ang posibilidad na mangyari ang ganitong mga iregularidad sa mga opisina ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Kaya’t napapanahon nang ibasura ang batas na ito at tigilan na ang pag-asa sa importasyon at sa halip ay kumilos ang gobyerno upang mas mapalakas pa ang lokal na produksyon ng mga magsasaka at matulungan sila lalo na sa panahon ng pag-iral ng El Niño.