Dagupan City – Ikinadismaya ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA ang pabago-bagong pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa ginagawang pang-aabuso ng mga dayuhan sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap Chairman ng nasabing samahan, malinaw lamang ito na pagpapakitang hindi talaga seryoso ang pamahalaan na resolbahin ang ginagawang pagpasok at pang-aabuso ng mga dayuhan sa teritoryo ng bansa.
Aniya, kung titignan kasi ay malinaw na nakasaad sa batas na nagproprotekta sa exclusive economic zone ng bansa na paglabag ang ginagawa ng mga ito. Binigyang diin pa ni Hicap na bukod sa pagpunta sa exclusive economic zone ng mga dayuhan ay inaabuso pa ng mga dayuhang mangingisda ang pagkuha sa yamang dagat ng bansa at sinisira pa nila ito.
Matatandaan kasi na napaulat muli ang Chinese Coast Guard ng pagharang sa signal ng BRP Datu Sanday habang nagdadala ito ng fuel assistance sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc, at ang paggamit pa ng mga ito ng cyanide at dinamita upang mabilis na makakuha ng yamang dagat.
Kaugnay nito, malinaw naman aniya na ang pagbabalik ng floating barriers sa bahagi ng Bajo de Masinloc ay hindi lamang isang pambubully kundi maituturing na pangmamaliit ng mga ito sa ating bansa at malinaw na hindi nila nirerespeto ang batas.
Samantala, hindi naman na umaasa pa si Hicap na matutugunan ang matagal na nilang hinaing na mabigyang proteksyon ang mga lokal na mangingisda sa kamay ng mga dayuhan.