Dagupan City – Mariing pinabulaanan ng Kilusang Mayo Uno ang pahayag ng Department of Labor and Employment na magreresulta sa taas presyo ang panukalang P100 dagdag sahod sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, maituturing na isa lamang itong panakot ng Department of Labor and Employment partikular na ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma dahil wala namang pinanghahawakang datos ang mga ito na nagpapakitang maaapektuhan nga ang presyo sa merkado.
Aniya, karapatan ng mga Pilipinong manggagawa na makatanggap ng dagdag P100 sa sahod at kung tutuusin ay malayo pa ito sa isinusulong na family living wage na nasa P1,200.
Kaugnay nito, kung ang panakot ng DOLE na nagsasabing mapapataas nito ang inflation rate ng bansa, pagbabawas ng mga impleyado ng kopmpaniya at magreresulta sa pagkalugi ng mga negosyo, nilinaw ni Adonis na nasa higit 1% lamang ang mababawas sa kita ng mga micro o maliliit na kompaniya.
Samantala, binigyang diin pa ni Adonis na mga bilyonaryo lamang ang patuloy nakikinabang sa pagtaas ng employment rate sa bansa, kung saan ay patuloy na nagbabanat ang mga manggagawa ng buto para magtrabaho sa mga kompaniyang nagpapasahod ng nasa minimum wage lamang at kung tutuusin ay kulang pa sa mga ito.