Dagupan City – Nakapagtala ang Pangasinan Police Provincial Office ng kabuoang 174 arestadong indibidwal kabilang na ang isang kabaro ng mga ito ngayong ikalawang linggo ng pebrero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Provincial Director Jeff E. Fanged, nasa 41 indibidwal na ang naaresto sa paggamit ng ilegal na droga kung saan ang mga high-value individual sa mga ito ay nagmula sa bayan ng Lingayen, Bolinao at sa syudad ng Dagupan.
Aniya, dahil rin sa ikinasang buy-bust operation ng kanilang hanay sa bayan ng Asingan, ay doon na tumambad ang kanilang kabaro na siyang kasama pala sa ilegal na gawain kung saan ay napag-alaman na 1 taon na rin niya itong ginagawa.
Kinilala naman ito na isang Police corporal sa naturang bayan na agad namang inaresto ng kanilang hanay at sinibak na rin sa pwesto. Habang sa kasalukuyan naman, nasampahan na rin ito ng kaso.
Kaugnay nito, nilinaw rin ni Fanged na ang mga naitalang datos ay hindi lamang basta-basta, bagkos ay mula rin sa mga credible sources; gaya na lamang ng mga naarestong high-value individuals na sila ring nagiging susi upang ma-identify ang kanilang supplier at kasamahan.
Sa kasalukuyan, patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang kanilang himpilan sa mga otoridad partikular na sa mga Local Government Unit at Department of Interior and Local Government ng bawa’t munisipalidad.
Nagpaalala naman ito sa publiko na huwag mag-atubili na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan dahil bukas ang mga ito upang puksain ang kriminalidad sa probinsya sa layuning mapanatili ang kaayusan at kapayapaan para sa mga residente.