BOMBO RADYO DAGUPAN – Naging matiwasay at dinaluhan ang paggunita ng kabayanihan ng tatlong pari na sina Gomez, Burgos, at Zamora.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Development Officer II, nagkaroon aniya ng pag aalay ng bulaklak sa Execution Site sa Liwasang Rizal Luneta at sa GOMBURZA National Monument sa harap ng National Museum of the Philippines.
Binasbasan naman ang puntod ng Gomburza sa Liwasang Paco at nagkaroon naman ng film showing ng pelikulang Gomburza sa Tanghalang Metropolitan.
Ang paggunita ng mga anibersaryo ay upang muling kilalanin ang mga sakripisyo ng mga hindi gaanong kilalang bayani ng bansa para sa kalayaan ng Pilipino.
Ito din, aniya, ay isang oportunidad upang maging tanda na malayo na ang narating ng ating bansa at panatilihn ang kalayaang pinaghirapan ng mga bayani.
Sinabi pa ni Agbayani na hindi masyadong kilala ang Gomburza dahil sirkularisasyon ang kanilang ipinaglaban. Wala man silang kasalanan sa mga mananakop ngunit binitay pa din sila kaya naman naging hudyat ito ng pagbabago ng tingin ng mga Pilipino na wala umanong maaasahan sa katarungan at kaayusan sa mga mananakop.
Ngunit dahil sa naging “memes” ng mga pari na kumalat sa social media, nakatulong ito upang magkaroon ng kuryosidad ang mga tao na mas kilalanin ang mga bayaning nasabi.
Gayundin umano ang kamakailang inilabas na pelikulang itinampok ang buhay ng tatlong pari.
Naging mahalaga ang nasabing pelikula dahil nabigyan muli nito aniya ng “historical reimagination” ang kasaysayan at ma-relate pa din ang mga manonood.
Ngunit pakiusap naman ni Eufemio na huwag itatro parang libro ang mga pelikula at sa halip ay maging imbitasyon ito upang mas kilalanin pa ang mga bayani sa pagbabasa pa ng mga libro.
Dagdag pa niya, naglabas din aniya sila ng mga libreng dokumentaryo ang National Historical Commission of the Philippines sa kanilang youtube channel upang maging gaby sa mga manonood ng historical fims.