BOMBO RADYO DAGUPAN – Timbog ang isang empleyado na 6 na taon nang nagtatrabaho sa IPQ dental clinic sa Malimgas Public Market sa lungsod ng Dagupan matapos itong gumamit ng pekeng lisensya bilang dentista.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Narissa Ragos, Chairman ng Campaign Against Illegal Practice-Philippine Dental Associaton at kay Dr. Jen Yalung, Deputy Chairman naman, matagal na silang may impormasyon ukol dito at nag iingat lamang sila upang masiguradong mapapanagod ang tamang suspek.


Sa pamamagitan ng undercover asset na nagpanggap bilang isang pasyente, nahuli ang isang suspek.

--Ads--


Ayon kay Dr. Yalung, nilabag nito ang Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007. Haharap ito sa 2-3 taong pagkakakulong at magmumulta ng P200,000 – P500,000.


Hindi naman naipasara ang nasabing clinic dahil mayroon pa rin itong lisensyadong dentista.

Samantala, nagkaroon na ng 20-25 na naikasang operasyon sa Northern Luzon kontra sa mga illegal na dentista at sa mga nagsasagawa ng Do-It-yourself Braces na naghihikayat sa pamamagitan ng social media.


Anila, mismong mga paseyente ng mga ito ang nagrereklamo dahil sa mga side effects na kanilang nararanasan patapos magpagamot sa mga illegal na dentista.


Ayon muli kay Dr. Ragos, nakikita at nababasa din nila sa social media posts ng mga illegal na pagdedenista ang mga nagrereklamo sa mga ito. Araw-araw din aniya silang nakatatanggap ng report.


Gayunpaman, hindi naman naaaresto ang ilan sa mga narereklamo dahil may kagalingan din aniya silang magtago.
Nagpaalala naman si Dr. Yalung na sa mga lisensyado lamang magpadentista.