Malugod na ibinahagi ng Sta. Maria Municipal Agriculture Office ang kanilang progresibong pagpapaunlad ng vermiculture composting bukod sa pagpapalago nila ng kanilang produktong kabute.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Irma Baltero, ang Municipal Agriculturist ng nasabing bayan, hindi nila itinatapon ang mga natirang lupa na galing sa kanilang mushroom harvest, bagkos ay ginagawa nila itong organic fertilizer.

Marami na aniyang mga bayan ang tumatangkilik sa kanilang fertilizer gaya ng mga bayan ng Sual, San Nicolas, at Rosales na kanilang ibinebenta sa halagang P300.

--Ads--

Bukod dito, ibinahagi rin nila ang kanilang kaalaman sa kanilang mga magsasaka sa kung paano gumawa ng vermiculture composting upang makatulong sa kanilang mga kabuhayan.

Nakatutulong din kasi aniya ito sa kanilang lokal na pamahalaan sa pagpapataas ng economic enterprises.

Ang vermi composting ay ang produkto na mula sa decomposition process gamit ang iba’t ibang uri ng bulate, kadalasang red wiggler, puting uod, at iba pang earthworm, upang lumikha ng pinaghalong naaagnas na gulay o dumi ng pagkain, bedding materials at vermicast na siyang nagsisilbing pataba ng lupa.

Dagdag nito na mayroong silang tatlumpu’t dalawang vermi bin at nasa dalawang kilong African Night Crawler o hermiprodite na bulate na may dalawang kasarian upang mapabilis ang pagpapadami ng bawat vermi bin.

Nakakapag-harvest aniay sila ng nasa 18-20 sako nito kada buwan at sa kasalukuyan, anim na taon na itong napapakinabangan ng kanilang bayan.