Pinayuhan ng City Veterinary Office ng syudad ng Dagupan ang mga pet owners na bigyang pansin ang ilang mga sakit na madalas makuha ng mga alagang hayop sa tuwing malamig ang panahon.

Ayon kay Dr. Daniel Paolo Garcia, ang Officer in Charge ng naturang Veterinary Office, tulad ng mga tao, ang respiratory infection din gaya ng sipon, ubo, trangkaso at pagkawala ng panlasa ang madalas na tumama sa mga alagang hayop.

Madali naman aniyang mapapansin na may dinaramdam ang mga ito dahil nagiging matamlay sila at mapapansin ding mayroong lumalabas na sipon sa kanilang ilong.

--Ads--

Payo nito, bigyan ng tamang pagkain ang mga alagang hayop at malinis na tubig upang mas mailayo sila sa mga nabanggit na sakit.
Importante rin aniya ang pagpapainom sa mga ito ng bitamina.

Kung dalawa o tatlong araw na aniyang matamlay ang kanilang mga alagang hayop ay ipakonsulta na agad ang mga ito sa mga beterinaryo dahil kung lalampas pa sa nabanggit na araw ay maliit na ang tsansang maka-survive pa ang mga ito.

Samantala, inaasahan na pagkatapos ng panahon ng tag lamig iikot ang kanilang tanggapan sa 31 barangay sa Dagupan City upang maghatid ng libreng serbisyo gaya ng libreng anti-rabies, konsultasyon, gamot para sa galis at kuto.

Dagdag pa nito na upang maiiwas ang mga alagang hayop sa pagkakasakit, ilagay sa mainit na pwesto ang mga ito o bigyan ng mga bagay na makakapawi sa kanilang panlalamig.