BOMBO DAGUPAN — Nakakagalit.
Ganito ang naging sentimyento ni Ronnie Manalo, Secretary General ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, kaugnay sa pananatili ng Pilipinas bilang nangunguna sa pag-angkat ng bigas ngayong taon base sa ulat ng Department of Agriculture ng Estados Unidos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kahit ilang ulit pa nilang bigyang-diin na ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural, nananaig naman ang pagiging numero uno nito sa pag-aangkat din ng mga produktong pang-agrikultura.
Saad pa nito na nagkataon pa ngayon na nagbukas ng sesyon ang Senado kung saan mas prayoridad pa nilang talakayin ang pag-amyenda sa 1987 Constitution ng Saligang Batas upang pahintulutan ang mga dayuhang negosyo na magmay-ari ng 100% ng lupain ng mga magsasaka na lalong magdudulot ng pagkawala ng kanilang lupang sakahin.
Aniya na matagal na silang nananawagan na dapat ang puhunan ng pamahalaan ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon at magkaroon ng tunay na reporma sa lupa upang masuportahan ang lahat ng mga magsasaka, subalit hindi naman sila pinakikinggan ng kasalukuyang rehimen ang kanilang mga hinaing.
Dagdag pa nito na ang kanilang mungkahi na dapat ang National Food Authority (NFA) ay mamili ng kahit 20% ng ani ng mga magsasaka para magkaroon ito ng stock ng palay, ay hindi naman maisakatuparan ng ahensya dahil wala itong pondo o kung mayroon man ay masyado itong maliit.
Maliban pa rito ay nakatali rin aniya ang kamay ng gobyerno at ng nagsisilbing pangasiwaan ng pagkain sa Rice Tariffication Law o Rice Liberalization Law na tinatanggalan ang NFA ng kapangyarihan na bumili ng palay mula sa mga magsasaka at magbenta ng murang bigas sa palengke.
Sa halip ay nananatili sa kamay ng mga retailer, importer, smuggler, at cartel ang kapangyarihan kung paano diktahan ang presyo ng bigas sa pmamagitan ng pagpapalabas na mayroong krisis sa pagkain upang makapag-angkat sila.
Subalit sa kabila nito ay naniniwala pa rin ang kanilang hanay na kaya pa rin ng mga magsasakang Pilipino na pakainin ang halos mahigit 100-milyong mamamayan kung susuportahan sila ng gobyerno.
Kaya naman labis ang kanilang pagkadismaya na mas prayoridad ng gobyerno ngayon ang pagbuhay ng pagkakaroon ng plebesito sa pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang pamumuhunan at korporasyon sinasabi ng administrasyon na magpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit ani Manalo na nakikita lamang nila na sa susunod na panahon ay hindi lamang mangunguna ang bansa bilang numero unong tagapag-angkat ng bigas subalit lahat na ng produktong agrikultural at dayuhan.