Dagupan City – Binigyang linaw ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation Inc. ang pagkilala ng devotion sa Sto. Niño sa bansa.
Ayon sa Administrative Officer nito na si James Benidict Malabanan, nagsimula ang pagkilala ng mga Pilipino sa Sto. Niño nang dumating si Ferdinand Magellan sa bansa noong panahon ng spanish conquest taong 1521 kung saan ay binigyan nito ng imahe ng Sto Niño ang reyna ng Cebu na si Juana.
Aniya, isa rin sa nakikitang dahilan ay ang hilig rin ng mga Pilipino sa mga bata, kung kaya’t marahil ay nakikita nila ang Sto Niño na simbolo na dumaan din ang panginoon sa pagka-bata kung saan ay nagkatawang tao ito. Dahil rin doon, mapapansin din na binibihisan ng mga Pinoy ang mga Sto Niño ng iba’t ibang kasuotan gaya na lamang ng mga damit ng hari, propesyon, at iba pa, at ipinagdiriwang rin ito gaya ng Sinulog Festival sa Cebu, Ati-Atihan festival sa Aklan, at iba pa.
Kaugnay nito, nang dumating naman si Miguel López de Legazpi sa Tondo, Maynila noong 1572 kasama ang mga misyonaryong Agustino dala ang isa pang imahen ng Santo Niño, at noong 1972, ninakaw sa simbahan ng Tundo ang Sto. Niño, at pagkaraan ng ilang linggo ay natagpuan ang pinanghiwa-hiwalay nitong katawan. Dahil rin doon, itinuturing ng mga deboto na gumawa ng himala ang Sto. Niño nang tumigil ang ilang araw umanong pag-ulan sa Metro Manila nang maibalik na sa simbahan ang imahen.
Samantala, sinabi naman ni Malabanan na kung hindi man nasagot ang panalangin ng isang deboto, huwag manlamig sa pananampalataya dahil may mas maganda pang plano ang Panginoon sa mga ito.