DAGUPAN CITY — Mariing tinututulan ng Federation of Free Workers ang isinusulong na People’s Initiative para sa pagpapasa ng Charter Change at ang Economic Provisions sa ilalim nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sonny Matula, President ng Federation of Free Workers, tinawag nito na ang naturang People’s Initiative at mga panukala sa constituent assembly sa pamamagitan ng House of Representatives at Senado na hindi pa napapanahon.
Aniya na kinakailangang iprayoridad ng mga Kongresista at Senador ang mga probisyon ng kasalukuyang konstitusyon katulad ng Anti-Dynasty Provision at pagdinig sa mga panawagan at living wage ng mga manggagawa, at maging ang proteksyon ng mga ito para sa kanilang karapatan sa pagkilos at pag-organisa.
Sa halip, binigyang-diin ni Atty. Matula na kinakailangang mas iprayoridad ang pag-implementa ng 1987 Constitution sa halip na amyendahan ito dahil hindi ito kinakailangang gawin sa kasalukuyang panahon.
Kaugnay nito, naniniwala naman ito na hindi totoo na kapag naamyendahan ang konstitusyon at naipasa ang mga sinusulong na economic provisions ay hindi naman nanakawin ng foreign investments ang mga lupa ng mga magsasaka.
Bagkus, aniya, ay garantiya ang pagpapaunlad ng imprastraktura, mababang kuryente, walang kuropsyon sa gobyerno, at iba pang pamumuhunan. Gayon na rin aniya ang mataas na kalidad ng edukasyon na dapat sana ay obligasyon ng gobyerno at hindi ng dayuhang pamumuhunan.
Samantala, ikinatutuwa naman ng kanilang hanay ang pagtulong ng Department of Labor and Employment sa mga jeepney drivers at individual operators na mawawalan ng hanapbuhay dahil sa PUV modernization program ng gobyerno.
Idiniin ni Atty. Matula na ang kanilang posisyon kaugnay ng naturang usapin ay ang agarang suspensyon ng naturang programa dahil hindi ito gaanong napagusapan at hilaw umano ang implementasyon nito. Aniya na marami sa mga drayber at operator ang naghihintay na lamang ng napakamahal na presyo ng mga minibus na iaalok sa mga kooperatiba at korporasyon.