DAGUPAN CITY — Sugatan ang dalawang katao matapos na masangkot sa isang aksidente sa kalsada sa bayan ng Laoac.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Joelrey Ofiana, sinabi nito na naganap ang aksidente sa bahagi ng TPLEX Northbound Road sa Brgy. Lebueg sa nasabing bayan na kinasasangkutan ng isang motorsiklo na minamaneho ni Erika Alvarez, 38-anyos, OB-Gyne, at residente ng 116 Beredo Cmpd Alangilan, Batangas City, habang angkas naman niya ang kanyang asawa na si Kirby Macaraeg, 32-anyos, at ng isang van na minamaneho naman ni Zucarino Datumanong Kuyag, 59-anyos, residente ng Brgy. 18 Don Mariano St, Don Antonio, Quezon City.


Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na parehong binabagtas ng dalawang sasakyang ang nasabing sasakyan patungong hilagang direksyon nang biglang mabangga ng van ang right footrest ng motorsiklo at nagresulta upang mawalan ang drayber ng motorsiklo ng kontrol sa manibela at tumilapon sila hanggang sa bumangga sila sa metal beam crash barrier.

--Ads--


Dahil dito ay nagtamo ang mag-asawa ng sugat sa kanilang katawan at kaagad silang itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan para sa medikal na paglunas.


Aniya na base naman sa kanilang imbestigasyon ay masasabing ang drayber ng van ang may sala sa nasabing aksidente dahil ito ang nakabangga sa sasakyan ng mag-asawa, habang lumalabas naman sa medical examination ng mga ito na wala sa kanila ang nakainom nang mangyari ang insidente.


Samantala, nakahanda naman na sa piskalya ang kasong isasampa laban sa drayber ng van na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting to Damage to Properties and Physical Injuries na may kaukulang recommended bail bond na P30,000.