DAGUPAN CITY — Arestado ang 3 katao sa ikinasang entrapment operation ng kapulisan ng bayan ng Urbiztondo laban sa talamak na prostitusyon sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Elmer Tangalin, Deputy for Operations ng Urbiztondo Municipal Police Station, sinabi nito na bago ang pagkakaaresto sa mga suspek ay mayroon silang mga natatanggap na impormasyon kaugnay sa serbisyo ng pakikipagtalik o prostitusyon sa isang bar sa kanilang bayan.
Aniya na gumawa sila ng kaukulang pagplaplano at sa isinagawa nilang surveillance ay dito nila na-validate na totoo ang mga ulat na natatanggap nila, kaya naman kaagad nilang inilatag ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng caretaker at cashier na si Randy Dela Cruz Bandong, 39-anyos, residente ng Brgy. Real; at dalawang sex workers na kinilalang sina Rose Marie Sarita Mequin, 23-anyos, high school graduate, residente ng Brgy. Labit Proper, Urdaneta City; at si Emalyn Dinero Junio, 39 -anyos, at residente ng Brgy. Matatalaib, Tarlac City, Tarlac.
Saad nito na ang ginagawa umano ng mga naarestong indibidwal ay nilalapitan ng cashier ang kanilang mga customer tsaka tatanungin sila ng kung nais nilang kumuha ng nasabing serbisyo. Kaya naman upang mahuli ang mga ito sa kanilang entrapment operation, mayroong nagpanggap na kawani nila bilang customer na inoferan ng sex services ng bar at nang iabot na nila ang bayad ay dito na nila inaresto ang mga suspek.
Sa kanilang imbestigasyon, napagalaman na sa mismong bar na isinasagawa ang sex services kung saan mayroon isang kuwarto na dinadala ang mga customer.
Dagdag ni PLt. Tangalin, noong pang buwan ng Disyembre ang unang report na kanilang natanggap.
Samantala, ang mga naarestong babae ay nahaharap naman sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Section III ng Republic Act No. 9208 (as amended by Republic Act No. 10364) o mas kilala bilang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, habang ang caretaker naman ay nahaharap sa kasong may paglabag sa Section IV ng parehong batas.