DAGUPAN CITY — Pinakikita ang kanilang pagiging inutil.
Ito ang binigyang-diin ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nakatakdang paglagda ng Pilipinas at Vietnam sa 5-year term ng rice trade agreement upang matiyak ang food security sa bansa.
Aniya na mariing nilang tinututulan ang hakbangin na ito ng pamahalaan dahil ito ay nagpapatunay lamang na walang paninindigan ang gobyerno na kamitin ang kasiguraduhan sa pagkain sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na produksyon, paglalaan ng lupa at pagbibigay ng suportang serbisyo para sa mga magsasaka, pagpapatayo ng post-harvest facilities, at paglikha ng mga irigasyon na makatutulong sa patubig sa kanilang mga sakahan.
Saad nito na lalo ring ipinakikita ng gobyerno ang kawalan nito ng pagtalima sa mga panawagan ng mga magsasaka at lalong pagasa nito sa importasyon para sa mga pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino sa pagkain partikular na sa bigas.
Dagdag pa nito na kung matutuloy ang plano na ito ay lalong mananaig ang krisis sa pagkain dahil inuuna ng gobyerno ang pag-aangkat at lalo ring magtutuloy-tuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil hindi na prayoridad ng gobyerno na siguruhin ang kanilang kapakanan at ng lokal na produksyon ng bansa.
Ani Estavillo na ang kawalan ng pagtugon ng gobyerno sa pagpapataas ng presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka ay isang displacement sa palengke ng lokal na produksyon at nagdulot sa lubhang pagkalugi ng mga magsasaka, pagkakaroon ng malawakang land use conversion, at patuloy na pagtaas ng kanilang pangangailangan sa pagsasaka.
Maliban pa rito, sinabi ng tagapagsalita na kailanman ay hindi nila nakita ang epekto ng todo-todong importasyon na hindi nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural at bagkus ay hinihila pa nito ang presyo ng lokal na produksyon dahil sa liberalisasyon sa agrikultura ay nakatali na ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Sa halip aniya ay tuloy-tuloy ang pagtalikod ng gobyerno sa iba’t ibang suliranin na kinakaharap ng mga magsasaka na lalo lamang nalulugmok sa kahirapan at gayon na rin ang pagpapatuloy ng implementasyon ng mga batas na nagreresulta sa pagtalikod ng gobyerno sa responsibilidad nito sa mga magsasaka ng bansa.
Kaya naman ay wala aniyang natitira sa mga magsasaka at mga Pilipino kundi ang itulak ang gobyerno, palakasin ang panawagan, at magkaisa sa pagpapakita na kailanman ay hindi magiging solusyon ang pag-aangkat sa krisis sa bigas at ang pagpapababa ng presyo nito sa mga pamihilan.