Isang constitutional lawyer at political analyst, ipinaliwanag ang mga posibleng hakbang patungkol sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 constitution

Ibinahagi ng isang constitutional lawyer na hindi pangkaraniwan na manggagaling sa senado ang pag-amyenda ng konstitusyon dahil madalas, ito ay nanggagaling sa mga pribadong tao o sa house of representatives na nasa likod ang administrasyon na gustong ameyandahin ang konstitusyon.

Ito ay kaugnay sa paghahain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ng Resolution No. 6 na naglalayong amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Constitution na sinasabing pinipigilan nito ang mga dayuhang pamumuhunan.

--Ads--

Ipinaliwanag naman ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, ang constitutional lawyer at political analyst dito sa lalawigan ng Pangasinan, na ang economic provisions ay ang mga protective measures na ginawa ng mga bumuo ng konstitusyon noong 1987 upang maprotektahan ang ating mga kababayan patungkol sa advertising, national economy at patrimonya.

Hindi aniya pwedeng 100% na ang mga dayuhang mamumuhunan ang nagmamay-ari ng mga nabanggit na sektor.
Kung aayemdahin man aniya ang konstitusyon, ayon sa resolusyon ni Zubiri, lalagyan nalang ng proviso na “unless provided by law” na ang ibig sabihin ay madali nalang amyendahin ang mga protectionist measures ng constitution na ito sa pamamagitan ng legislative fiat.

Kung nais aniya ng kongreso na gawing 100% foreign-owned ang mga korporasyon na nagkokontrol ng mga nabanggit na sektor, gagawa lamang sila ng batas at ito aniya ang problema dahil kung konstitusyon na ito, ano ang klaseng pag-amyenda o pagrebisa ang gagawin.

Naglatag naman ito ng tatlong modes gaya ng constituent assembly, kung saan ang kongreso mismo ang mag-iiba ng anyo ng sarili nito sa pamamagitan ng pagboto ng tatlong korte. Dito, mismong ang kongreso ang gagawa ng batas o mag-aamyenda.

Pwede rin aniya ang constitutional convention kung saan ang mga delegado na maghihirang mga eksperto sa konstitusyon o mga magagaling na mambabatas ang mismong mag-eelect para gawin ang revision ng constitution.

Pangatlo, ang isinusulong ngayon na People’s initiative kung saan pipirma ang taumbayan kung payag sila sa rebisyon o hindi.

Dagdag pa ni Cera na kung susuportahan naman ng administrasyon ang pag-amyenda sa konstitusyon, maaaring ang mga provisions na nais nilang palitan, hindi lang mapupunta sa economic provisions kundi maging ang political provisions ay pwede na ring rebisahin depende sa kung anong modes ang kanilang isasagawa.

Limitado lamang din aniya ang maaamyendahan ng People’s initiative pero hindi nito mapipigilan ang ibang mga miyembro sa pagpapasok ng iba pang probisyon na magkaroon ng pagkakataon sa pag-amyenda.