Dagupan City – Nagkasalpukan ang isang motorsiklo at isang service ambulance sa bayan ng San Quintin, Pangasinan.
Ayon kay PCapt. Charisse Pacheco, Public Information Officer sa San Quintin Police Station, nangyari ang insidente bandang 11 ng gabi sa Barangay Poblacion sa naturang bayan.
Lumalabas naman sa imbistigasyon na ang service ambulance na minamaneho ni Reycard Mercado, 47-anyos, mula sa Brgy. Debucau, sa Aurora ay patungo sana sa silangan, ngunit pagdating sa kanto ng Burgos at Ramirez St. sa Poblacion sa bayan ng San Quintin, biglaang tumawid ang motorsiklo na siyang sumalpok naman sa ambulansiya.
Napag-alaman din na parehong lango sa alak at walang suot na helmet ang dalawang sakay ng motorsiklo na kinilalang sina Rolando Obillo, 47-anyos, angkas nito si Arjhay Ramirez, 36-anyos na parehong residente ng naturang bayan. Bilang resulta, nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo ang dalawang sakay ng motorsiklo at agad din namang isinugod sa Eastern Pangasinan District Hospital, sa bayan ng Tayug.
Sa kasalukuyan, ayon kay Pacheco, ito na ang pangalawang kasong naitalang vehicular traffic insident sa kanilang bayan.