Dagupan City – Malaking pasanin muli para sa kaguruan ang programang Catch-Up Friday na isinulong ng Department of Education ayon sa Action and solidarity for the empowerment of teachers.
Ayon kay Randy Alfon, Education and Research Chairperson ng naturang samahan, maituturing na isa itong malaking panghihinayang sa oras hindi lamang sa kaguruan kundi pati na rin sa mga mag-aaral.
Aniya, naiintindihan naman nito ang layunin ng programa, gaya na lamang ng hindi maiparamdam sa mga studyante na napag-iiwanan sila sa edukasyon. Ngunit giit nito, malaking oras ang kailangang mawala sa mga guro at maari rin itong magdulot ng kalituhan sa mga mag-aaral, dahil na rin sa magkakaiba ang mga mga tinututukan ng mga guro kada paksa.
Binigyang diin din ni Alfon, na hindi na ito bagong suliranin ng naturang departamento at kung tutuusin din ay dekada na itong iniinda ng bansa. Sa katunayan aniya, may ginagawa ng hakbang ang mga guro para sa mga mag-aaral na napag-iiwanan; gaya na lamang ng remedials, kung saan ay nag-eextend rin ang mga guro para matutukan ang mga studyante.
Samantala, ayon naman kay Noreen Barber, guro sa Alaminos City may kabutihan ring dulot ang nasabing panukala. Ngunit sa kasalukuyan, inaasahan pa sa mga susunod na araw kung ano nga ba talaga ang magiging resulta nito partikular na sa mga guro at mga mag-aaral.