Ipinagbigay alam ng Samahang industriya ng Agrikultura o SINAG na mayroon namang naaani ang lokal na produksyon ng bansa ngunit kaunti lamang ang naha-harvest.
Ayon kay Engr. Rosendo So, ang Chairman ng SINAG, maaaring magkaroon ng panibagong price cap kung patuloy ang pagtaas ng presyuhan ng bigas sa merkado.
Madalas aniya sa supply ng bigas ngayon ng bansa ay galing na sa importasyon bilang paghahanda na rin sa nalalapit na lean months na magsisimula sa buwan ng Pebrero.
Sa pagsapit ng buwan ng Pebrero hanggang sa huling linggo nito, inaasahan na nasa tinatayang 50% hanggang 70% ng produktong bigas sa merkado ay manggagaling sa importasyon.
Dahil dito, asahan pa ang pagtaas ng bigas bilang ang world price sa Thailand na dating nasa $340, ngayon ay umaabot na aniya sa $625 kada metrikong tonelada habang $633 naman ang bili sa Vietnam.
Ang retail price ng naturang mga bansa ay naglalaro na sa P52 hanggang P60 per kilo kaya’t kung mapapansin aniya ang presyo ng kanilang export ay tumaas din at base umano sa kanilang pananaw, mas nanaisin na lamang nilang ibenta sa kani-kanilang sariling bansa ang kanilang produkto kaysa sa i-export sa mga karatig na bansa.
Dagdag pa ni Engr. So na bilang tugon dito ng pamahalaan, nakatakda silang magpamahagi ng P5,000 sa mga magsasaka bilang kanilang fertilizer subsidy na noon pang buwan ng Disyembre sana naipamahagi.