DAGUPAN CITY — Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang menor-de-edad at dalawang nakatatandang lalaki matapos silang maaresto sa ikinasang drug buy-bust operation ng kapulisan sa bayan ng Umingan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renan dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Jay Francisco Seguirre, alyas ‘Parekoy’, 37-anyos; si Dave Francisco Sagiri, alyas ‘Taba’, 30-anyos, at isang menor-de-edad na lalaki, na kapwa residente ng San Miguel, Quezon, Nueva Ecija sa pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Unit ng Pangasinan PPO bilang lead unit, Police Intervention Unit ng parehong himpilan, PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1, at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1.
Ang mga suspek, partikular na si Seguirre ay una na umanong naaresto dahil sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 9165 sa pmamagitan ng Warrant of Arrest sa Malasin, Nueva Vizcaya, noong 2018, at na-acquit noong 2021, habang si Sagiri naman ay naaresto noong 2014 sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga kapulisan sa parehong lugar noon namang taong 2014 at na-acquit noong 2017.
Nakumpiska mula sa pangangalaga ng mga suspek ang 5 transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na may kabuuang bigat ng humigit kumulang 25 gramo at may estimated market value ng P170,000; isang P500 peso bill na ginamit bilang buy-bust money; 15 piraso ng P1,000 bill machine copy na ginamit bilang boodle money; isang pulang cellphone; isang itim na sling bag; at isang pulang motorsiklo na may side car at walang plate number.
Dinala naman ang mga suspek sa Umingan Rural Health Unit para sa medico-legal examination at pagkatapos ay dinala ang mga ito kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa PNP City Forensic Unit sa lungsod ng Urdaneta at isinailalim sa drug testing at laboratory examination.
Pansamantala namang mananatili ang mga suspek sa himpilan ng Umingan Municipal Police Station habang ang menor-de-edad ay itinurn-over ng mga kapulisan sa Women and Children’s Protection Desk ng parehong tanggapan para sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 habang inihahanda na rin ang mga isasampang kaso sa mga suspek sa korte.