Isang magandang pangitain.
Ito ang sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst patungkol sa nilagdaang “Ease of Paying Taxes Act” ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na naglalayong gawing digital ang pangongolekta ng buwis.
Kung sa papel lamang, maituturing aniya itong magandang pangitain sa kinabukasan ng pagkolekta ng buwis upang maging klaro kung sino ang tax payers ngunit nakadepende pa rin aniya ito sa implementasyon.
Sa kabila nito, inaasahan naman ang maaaring pagtaas ng pagkolekta ng buwis.
Isa naman aniya sa mga kalakip na pangako mula sa digitalisasyon ay ang mabawasan ang korapsyon, ito aniya ang dapat na asahan sa naturang batas.
Ang naturang batas ay nagbubukas ng pinto ng digitalization para sa tax administration kabilang na ang tax collection.
Dalawang katanungan naman aniya ang maaaring iugnay rito. Una, kaya ba ito ng technical capacity ng mga mamamayan at kung maaasahan ba ang internet ng bansa.
Mungkahi ni Yusingco na dapat ay hindi lang ayusin ang pangongolekta ng buwis kundi dapat ay pinapalaki rin ang tax base.