DAGUPAN CITY — Nakilala na ng kapulisan ang suspek sa pamamaril sa 43-anyos na Kagawad na si Romeo “Pudong” Del Campo ng Brgy. Guilig, sa bayan ng Mangaldan subalit hindi pa nila pinapangalanan ito, kasabay ng nagpapatuloy nilang imbestigasyon sa motibo nito sa krimen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Roldan Cabatan, Acting Chief of Police ng Mangaldan Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto nila ang suspek matapos itong makipagpalitan ng putok at nakipaghabulan sa mga kapulisan at nang makorner nila ito sa bayan ng San Fabian ay binaril nila ito sa kanyang paa upang hindi na ito makalayo pa.
Aniya na narekober nila mula sa suspek ang kanyang cellphone at ginamit na baril na siyang inaalam nila kung rehistrado o hindi, habang magsisilbi namang ebidensya ang cellphone sa krimen kung may mga maaari pang makita dito na makatutulong sa imbestigasyon ng kapulisan.
Kaugnay nito, hindi pa umano makausap ang suspek dahil sa natamo nitong sugat sa paa kaya patuloy pa rin ang pangangalap nila ng konkretong imbestigasyon dito para maging malakas ang kasong maaring isampa at kung ano talaga ang motibo sa pagpatay.
Samantala, haharap naman ito sa kasong murder at iba pang pwedeng maisampa kapag natapos na ang imbestigasyon ng kapulisan ukol dito.