Labis ang paghihinagpis ngayon ng isang pamilya mula sa PNR site sa brgy. Mayombo, sa syudad ng Dagupan matapos na masunugan pasado alas-12 ng madaling araw kasabay ng pagdiriwang ng bagong taon.

Ayon kay Nenita Verdeho, ang nanay ni Pablito Co, 57-anyos, ang may-ari ng nasunog na bahay, hindi aniya nila alam kung paanong magsisimula muli dahil wala man lang umano silang naisalbang mga kagamitan.

Kasama rin sa nasunog ay ang pagmamay-ari rin nitong bodega ng mga scrap o junk shop kaya’t hindi lamang bahay ang nawala rito kundi maging ang kaniyang hanapbuhay.

--Ads--

Hinihinala namang paputok ang naging sanhi ng pagkakasunog ng mga ari-arian nito na gawa sa mga light materials, dagdag pa ang plastic bottles, karton, papel, at sako sa junk shop nito, dahilan kung bakit mabilis na kumalat ang apoy.

Apat na katao ang naroroon nang mangyari ang insidente ngunit sa kabutihang palad, wala naman sa mga ito ang nasawi o sugatan.

Samantala, agad namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection Dagupan City katuwang ang ilan pang mga bumbero sa mga kalapit ng bayan.

Pahirapan umano nilang inapula ang apoy gawa ng makapal na usok.

Tinataya namang nasa P400,000 hanggang P500,000 ang naging danyos mula sa nasunog na ari-arian.