Bombo Radyo Dagupan – Maituturing na bias ang pag-alis sa pangalan ni dating US President Donald Trump sa listahan ng 2024 Presidential Candidate sa Colorado.

Ganito isinalarawan ni Rufino “Pinoy” Gonzales, Bombo International News Correspondent sa USA, ang inilabas kamakailan na ulat kung saan hindi pinahintulutan ng korte suprema ng Colorado na ilagay ang pangalan ni Trump sa 2024 US Presidential Election.

Ayon kay Gonzales, ang ginawang botohan ay halos kinukonsumo ng mga democrat’s kung kaya’t lumalabas na hindi pantay at patas ang nasabing botohan. Aniya, 4-3 lamang ang naging resulta na siyang pumabor sa nasabing pahayag.

--Ads--

Muli namang nilinaw ni Gonzales, na aalisin lamang si Trump sa listahan na maaring iboto sa 2024 US Presidential Election sa Colorado, kung saan ay hindi ito makaka-ani ng boto mula sa nasabing lugar, ngunit maari pa ring tumakbo si Trump sa nasabing eleksyon.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Gonzales na nasa kamay pa rin ng US Supreme Court ang huling desisyon at hatol, kung si Trump ba ay maaring tumakbo sa 2024 election o hindi.