DAGUPAN CITY — Umaasa ang True Colors Coalition na magtutuloy-tuloy na ang pagkilala sa mga karapatan ng LGBTQIA+ community matapos na aprubahan ni Pope Francis na basbasan ng mga pari ang same sex couples.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jhay de Jesus, Spokesperson ng nasabing samahan, inihayag nito na mula sa hakbanging ito ay magtutuloy tuloy na ang talakayan dito sa religious sector partikular na sa kung papaano masisimulan ang pagtanggap sa LGBTQIA+ community at gayon na rin sa pagtutulungan sa pagitan ng naturang komunidad at ng religuious sector upang tuluyan nang mawakasan ang nangyayaring diskriminasyon at kawalan ng pagkilala sa LGBTQIA+ community.


Aniya na malayo-layo pa ang kailangang at hindi pa ito masasabing senyales ng pagtanggap ng lipunan sa queer community. Saad nito na dapat kilalanin na ang usapin sa paghihirap ng LGBTQIA+ community para sa equality ay nangangailangan ng totoo at sinserong pagtanggap sa mga miyembro ng komunidad, at ito ay isang bagay na dapat ilaban ng kanilang komunidad katuwang ang iba pang mga sektor.

--Ads--


Gayunpaman ay naniniwala silang ito ay isang magandang simula upang buhayin ang nasabing usapin at ipagpatuloy pa ang pagkakaroon ng pagbubukas sa isipan ng publiko sa kanilang pananaw sa LGBTQIA+ community at sa mga miyembro nito.


Ani de Jesus na umaasa pa ang kanilang hanay na ang hakbangin na ito mula sa Vatican ay magiging isang makabuluhang daan upang isabatas ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill, lalo na’t dahil nananatiling conservative ang pag-iisip ng karamihan sa mga lawmaker. Kaya naman umaasa sila na bubuksan nito ang pananaw ng mga mambabatas sa posibilidad ng pagkilala, pagtanggap, at pagtugon sa araw-araw na diskriminasyon na nararanasan ng LGBTQIA+ community.


Naniniwala naman ito na magsisilbi rin ang naturang usapin bilang isang oportunidad para sa LGBTQIA+ community na subukin ang katayuan ng Simabahang Katolika ng Pilipinas kung saan sila tumitindig kaugnay ng pagbabasbas ni Pope Francis at hindi ito magiging isang simpleng komento lamang, kundi dapat ay makitaan sila ng paninindigan dito.


Dagdag pa nito na sa puntong ito ay kailangang kilalanin ng batas ang pagsasama ng magkaparehong kasarian sa anumang aspeto ng pagbuo ng kanilang pamilya, usapin sa kanilang mga paga-ari, usapin ng pagkakaroon ng pagkilala sa kapareha niya bilang isang pamilya, at iba pa.