DAGUPAN CITY — Buong-buo ang suporta ng Ban Toxics sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa pagbabawal ng paputok sa bansa.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Antonio Dizon, Campaigner ng Ban Toxics, binigyang-diin nito na napapanahon nang ipagbawal ang paggamit ng paputok o ilegal na paputok sa Pilipinas.


Aniya na bagamat hindi pa ito tuluyang ipinagbabawal sapagkat may mga umiiral na regulasyon at community fireworks display sa bansa, ay nararapat nang isulong ang pagbabawal ng pagbebenta at paggamit ng mga ito sa gitna ng taunang kaso ng mga napuputukan.
Paliwanag nito na maraming kinakailangang pag-aralan sa pagsusulong nito at isa na nga rito ang enforcement, sapagkat nakikita ng kanilang hanay na may ilang mga kakulangan ang mga kasalukuyang batas na umiiral gaya na lamang sa ilang lungsod na nagdeklara ng total at partial ban sa mga paputok subalit may mga nagbebenta pa rin ng mga naturang produkto.

--Ads--


Pagdidiin ni Dizon na kinakailangan ng mahigpit na pagpapatupad sa mga batas na ito at huwag nang hintayin na may masaktan pa bago gumawa ng aksyon. Saad nito na kinakailangan ng patuloy na monitoring ng Philippine National Police at iba pang regulatory agencies gaya ng Department of Trade and Industry.


Dagdag pa nito na kaisa sila ng Philippine Fireworks Association sa mas lalong paghihigpit sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok, lalo na’t lumalabas sa kanilang datos na marami ng local government units, kabilang na ang Metro Manila, ang nagpatupad ng total at partial ban sa mga paputok.


Ani Dizon na naniniwala itong kaya namang ipatupad ang total o partial ban sa mga lugar lalo na pagdating sa barangay level pa lamang, subalit kung patuloy na makikita ito ng publiko sa mga pamilihan ay mas lalo nila itong tatangkilikin kaya naman mahalaga ang pagkakaroon ng police visibility sa mga lugar na talamak ang bentahan ng mga paputok.


Kaugnay nito, isa naman sa mga pangamba nila ay ang kawalan ng lebel sa bawat produktong paputok na nagsasabi kung saan o anong klaseng kemikal ang ginamit sa paggawa ng mga ito, kaya naman ay walang kasiguraduhan kung alin sa mga ito ang magdudulot ng malaking pinsala sa mga napuputukan.