Nagpapatuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng Dagupan City Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng sampung kalalakihang nanghimasok sa bahay ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz III dito sa syudad ng Dagupan.
Ayon sa pinsan nito na si Dr. Alejandro Enrico Vasquez sa kaniyang personal na pagbisita at pangangamusta sa nanay ni Guadiz at sa kasambahay nito, mayroong dalawang lalaking naka-fully armed na namigay umano ng bag na puno ng groceries kaya’t inakala lamang umano nilang namamasko, dahilan kung bakit sila pinagbuksan ng gate.
Pagbukas umano ng gate, nagtanong ang mga ito patungkol kay Chairman Guadiz at mayroon umano silang nabanggit na negatibong salita laban sa kaniya saka pumasok ang lima pang kalalakihan na kapwa nakasuot ng bonet at face masks habang ang tatlo pang lalaking kasama sa mga suspek ay nagsilbing look out habang dalawa hanggang talong sasakyan naman ang kanilang dala.
Pagkapasok ng mga ito ay agad na pinababa ang kanilang CCTVs at binantaan ang kasambahay na si Maria Divina Mendoza Arbias, 25 anyos gayunarin ang nanay ni Guadiz na huwag kikilos ng masama.
Itinali pa umano ang paa at kamay ng kasambahay pero hindi naman umano sinaktan, saka isa-isang binuksan ng mga kalalakihan ang mga silid sa bahay ni Guadiz.
Bagamat mayroon namang mga dumaraang tricycle ng mga oras na iyon, inakala lamang umano nilang bisita ang mga kalalakihan.
Base sa opinyon ni Vasquez, hindi pagnanakaw ang motibo ng mga lalaki kundi mismong si Chairman Guadiz ang kanilang sadya at marahil aniya ay may kaugnayan sa mga ipinapatupad nito bilang Chairman ng LTFRB ang pakay ng mga suspek.
Nananatili namang walang inilalabas na komento ukol dito si Guadiz ngunit ipinagpapasalamat na lamang umano niya na hindi nalagay sa panganib ang kaniyang ina at ang kanilang kasambahay.
Samantala, ayon naman kay Pltcol. Brendon Palisoc, ang Chief of Police ng Dagupan City Police Station, mayroon silang minamataang sasakyan na nakita sa footage at kasalukuyang inaalam kung sino ang nagmamay-ari nito.
Sa ngayon ay hindi pa aniya sila makapagbigay ng konkretong impormasyon sapagkat on going pa rin ang imbestigasyon at kumpirmasyon na kanilang isinasagawa.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa iba pang mga police stations upang makapangalap ng karagdagang impormasyon na tutugma sa kanilang hawak na lead at kung may kaugnayan ba ang get away vehicle na kanilang nakita sa CCTV.