DAGUPAN CITY — Naniniwala ang Kilusang Mayo Uno na may malaking problema sa isinusulong na programa ng pamalahaan na Omnibus Franchising Guidelines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Secretary General ng nasabing kilusan, sinabi nito na ang Omnibus Franchising Guidelines ay nangangahulugan ng pagsuko ng mga drayber at inidividual operators ng kanilang prangkisa upang pumasok sa kooperatiba, at dito na sila bibigyan ng panibagong mga imported na jeepney na napakamahal.
Aniya na nangangahulugan lamang ito na sa halip na ang maging mandato ng gobyerno ay ibigay ang mura, ligtas, at episyenteng transportasyon sa mga mamamayan nito, ang nangyayari ay napa-privatize ang sektor ng transportasyon. Dahil dito ay nagmamahal ang pamasahe at hindi na nakabatay sa public service subalit ito ay maituturin na bilang profiteering.
Dagdag ni Adonis na ngayong nagbigay na ng pinal na deadline para sa mga tradisyunal na jeepney at nagsabi na rin ang mga kinauukulang ahensya at maging si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wala ng palugit ito, marami namang namamayaning problema na dahilan kung bakit napakalaki pa rin ng bilang ng mga drayber at operator na hindi pa nakakapag-consolidate ng kanilang prangkisa.
Saad nito na sa Metro Manila na kinabibilangan ng nasa 41,000 na mga jeepney na tumatakbo sa mga kalsada, mahigit 30,000 sa bilang na ito ang hindi pumapasok sa consolidationm, at kung magkataon na hindi sila makaabot sa deadline ay ituturing sila bilang kolorum at hindi na rin sila makakabyahe pa na magiging malaki naman ang epekto sa mga komyuter.
Isa pa sa nakikita nilang problema ay ang mga modern unit ng mga jeepneys na napakamahal, kung saan ay umaabot ito ng P2.8-million bawat isa, ay ang pagtaas din ng pamasahe upang pambayad sa mga napakamahal na jeepney. Sa madaling salita, ani Adonis, na ang magbabayad sa pinambili ng isang unit ng modernized jeepney ay ang mga komyuter sa pamamagitan ng kanilang mga pamasahe na hindi naman aniya patas sa mga mananakay lalo na ngayong napakamahal din ng mga bilihin at serbisyo.
Ani Adonis na hindi nila matatanggap ang ganitong programa ng gobyerno na sinasabing para sa ikabubuti ng taumbayan gayong hindi naman pinakikinggan ang panig ng mga drayber at operator na manatili sa kanila ang indibidwal na pag-aari ng prangkisa.
Pagbabahagi nito na gayong kinikilala na rin ang mga problema sa tradisyunal na jeepney ay mas mainam na unti-unti na lang itong ayusin at baguhin at hindi na idaan pa sa pagsali sa mga kooperatiba dahil pagpasok pa lang dito ay may kinakailangan ng bayaran na napakamahal na membership fee at obligado pa ang isang drayber na kumuha ito ng bagong unit ng modernized jeep sa loob ng 6 na buwan hanggang isang taon simula nang sumali sila sa kooperatiba.
Samantala, maituturing naman aniya ito bilang anti-poor sapagkat ang magiging sistema ng mga papasok na jeepney drayber sa mga kooperatiba ay baon sa utang habang wala naman silang indibidwal na prangkisa kaya naman ay wala silang hanapbuhay.