BOMBO RADYO DAGUPAN – Ikinadismaya ng maraming Pilipino ang hindi pagtupad ng gobyerno sa pangakong pagbaba ng presyo ng bigas bagkus maaari pa itong tumaas sa P60 nitong Disyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, hindi malabong tumaas pa ang presyo ng bigas kahit pa man ay kakatapos lamang ng anihan sapagkat hindi umano ginagawan ng gobyerno ng kaukulang aksyon ang pagtaas nito kundi inaasa na lamang sa importasyon.
Lalo pang tumataas ang presyo dahil sa pagtaas din ng world market. Umaabot na aniya sa higit $600 kada metrikong tonelada sa world market at pinaparating pa ng gobyerno ang 295k metric tons na importasyon mula sa India. Ito ay may katumbas na halos 40 pesos kada kilo ang landed cost nito at lalo pang madaragdagan ang presyo pagdating sa merkado.
Kaya naman ay hinihiling ni Estavillo na magsilbi itong ‘wake up call‘ sa gobyerno dahil dito na aniya makikita ang maraming nagugutom na Pilipino.
Samantala, naniniwala ang Bantay Bigas na makakapagbaba ng lubos sa presyo ng bigas ay kung ibabasura ng gobyerno ang Republic Act no. 11203 o Rice Liberization Law. Aniya, ito ang nagbibigay kapangyarihan sa mga pribado na magtala ng presyo ng bigas at palay sa bansa subalit ang tanging layunin aniya ng mga ito ay ang kumita lamang
Umaasa naman ang kanilang samahan sa pagtugon ng bagong kalihim ng Department of Agriculture sa krisis na kinakaharap ng mga lokal na magsasaka dahil siya mismo umano ang nagsabi ng mga pangako nito katulad na lamang ng hindi paggamit ng land use conversion at oveer importation. Gayundin umano sa prayoridad nitong irigasyon.
Ikinakatakot at ikinakabahala naman nila Estavillo ang naiulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tag-tuyo sa unang quarter ng taong 2024 kaya naman umaasa din sila na titiyakin ng bagong kalihim na magiging bahagi ang mga magsasaka sa pagpaplano at pag gawa ng mga programa dahil maraming imumungkahi ang mga magsasaaka para sa pagpapalakas ng produksyon.
Dagdag pa niya, responsibilidad din ng gobyerno ang food security ng bansa kaya dapat lamang igiit na mabigyan ng kahit papaanong 10 porsyento mula sa national budget ang lokal na produksyon at hindi sa importasyon lamang.