Huwag munang magpadalos dalos.
Ito ang komento ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst tungkol sa mungkahi ni Senador Francis “Tol” Tolentino na ang pagpapauwi sa ambassador ng Pilipinas sa China ang pinakamalakas na mensahe na maipapakita ng bansa sa diplomatikong paraan sa gitna ng tumataas na tensyon sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Sa kaniya aniyang palagay ay kinakailangan munang maghinay-hinay lalo pa at maituturing bilang seryosong aksyon ng Pilipinas ang pagdedeklara bilang persona non grata kay Chinese Ambassador to Manila Huang Xilian kasunod ng water cannon incidents sa naturang karagatan.
Dapat aniyang pag-aralang mabuti ng bansa ang mga galawang ito dahil maaari itong magbunga sa posibleng paglapit natin sa pag-terminate ng diplomatic relations na maituturing aniyang nakakatakot.
Gustuhin man ng ating bansa o hindi, ang bansang China ay nasa rehiyon natin at mayroon ding economic relationships ang Pilipinas at China na maaaring maapektuhan sakaling maisagawa ang nasabing mungkahi.
Ito aniya ang pagkakataon na kailangan munang magpalamig ng ulo at pag-isipang mabuti ang approach sa China.
Kinakailangan muna aniyang iwasan ang paggawa ng anumang pagkilos gaya ng pagdedeklara ng persona non grata kay Huang Xilian dahil maaari lamang itong humantong sa “sulian ng kandila” o hindi pagkakasunduan lalo pa at nananaig ang mataas na emosyon ngayon ng dalawang panig.
Bukod dito ay posible rin aniyang malagay sa alanganin ang libu-libong Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa China.