Bombo Radyo Dagupan – Ibinahagi ng isang topnotcher sa September 2023 Licensure Exam for Teachers (LET) ang kaniyang kwento sa likod ng kaniyang tagumpay.
Ayon kay John Rico Menor, Top 9 sa Secondary Level ng Licensure Exam for Teachers (LET), lubos ang kaniyang pasasalamat sa Panginoon sa nakamit na biyaya, gano’n na rin sa kaniyang pamilya, at sa lahat ng mga taong patuloy na naniniwala sa kaniyang kakayahan.
Inamin naman nito na hindi niya pinangarap ang maging topnotcher, at ginawa lamang niya ang kaniyang makakaya sa kagustuhang makapasa sa naturang pagsusulit.
Dagdag pa nito, ginamit niya ang kaniyang ‘expectations’ upang makamit ang kaniyang tagumpay, kung kaya’t laking pasasalamat niya na nagbunga naaman ang kaniyang pagsusumikap.
Pagbabahagi nito, nasa puso talaga niya ang pagtuturo at ang kagustuhang maging inspirasyon sa buhay ng mga batang nangangarap. Dahil aniya, katulad ng mga bata, minsan rin siyang nangarap at doon ito humugot ng inspirasyon.
Kaugnay nito, ibinahagi niya ang kaniyang opinyon patungkol sa mga dapat pang idadgdag sa kakulangan sa pagtugon sa may kalidad na edukasyon sa bansa.
Binigyang diin nito na kinakailangan ng investment sa mga guro. Na sana’y mapagkalooban ang kaguruan ng sapat na trainings at sanayin ang kanilang sarili na mas palaguin at mas mapalawak pa ang kanilang propesyon.
Samantala, payo naman nito sa mga magulang, i-engganyo at suportahan ang kanilang mga anak partikular na sa kagustuhang makapag-aral dahil aniya, sa pamilya nagsisimula ang pagsusumikap ng mga studyante.
Si Menor ay nagtapos sa Phinma-University of Pangasinan, at kasalukuyang nagtuturo sa Lyceum-Northwestern University, Pangasinan. Ibinahagi rin nito na plano niyang kumuha pa ng master’s degree nang sa gayon ay makapagturo na sa Public School.