DAGUPAN CITY — Ipinaliwanag ng isang eksperto na ang walking pneumonia ay maaaring maihalintulad sa influenza-like illness o pulmonya na sanhi ng bacteria na kilala sa tawag na ‘mycoplasma pneumoniea‘.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health Region I, sinabi nito na kaya ito tinatawag na ‘walking pneumonia’ ay dahil kalimitan ng mga pasyente na nakakaranas ng ganitong sakit ay mayroon lamang ‘mild’ o ‘asymptomatic’ na kalagayan o simpleng sipon lamang ang kanilang nararamdaman.


Saad nito na sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang 4 na kaso ng ‘walking pneumonia’ sa buong bansa batay sa datos ng Epidemiology Bureau ng Kagawaran ng Kalusugan. Paglilinaw naman aniya ng DOH na ang mga nasabing bilang ay hindi bagong kaso kundi mga naitalang kaso noon pang mga nakaraang buwan.

--Ads--


Wala pa naman aniyang naitatalang kaso ng nasabing sakit sa Rehiyon Uno.


Pagbabahagi pa ni Dr. Bobis na ang karaniwang mga sintomas ng ‘walking pneumonia’ ay karaniwan ding makikita sa mga sintomas ng influenza gaya na lamang ng pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, kasukasuan, nagkakaroon ng chills o panginginig, sipon, pagsusuka, pananakit ng lalamunan, ubo, at pananakit ng katawan.


Ani Dr. Bobis na bagamat mild lamang ang mga sintomas ng sakit na ito, mayroon pa ring tinatawag na vulnerable population na kinabibilangan ng mga nakakatanda, may mahihinang immune system, at mga taong naninirahan sa closed na lugar tulad ng mga kulungan at iba pang closed settings.


Paliwanag nito na kung magkasakit man ang isang tao sa mga ito ay magiging prone sila sa pagkakaroon ng mas malalang mga sintomas ng ‘walkign pneumonia’, kaya naman ay mas lalo silang binabantayan ng health care workers.