Lubos na kinokondena ng Federation of Free Workers ang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University, sa Marawi City sa kalagitnaan ng religious activity kung saan apat na katao ang nasawi at 50 naman ang sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sonny Matula, ang Nagkaisa Chairperson ng nasabing samahan at isang alumnus sa nasabing eskwelahan, maaaring ang mga taong hindi kumikilala sa Diyos na kung tawagin ay “Barbarians” ang nasa likod ng pambobomba.

Naniniwala ito na hindi kayang magawa ng mga kapatid na Muslim at ng iba pang Christian community ang bagay na ito dahil kilala sila na sumusunod sa mga nakasaad sa bibliya.

--Ads--

Paalala rin nito na bagamat may kumakalat na ulat na marahil ang mga Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang may gawa ng pambobomba, huwag aniyang basta bastang maniwala dahil baka tactic lamang ito upang maitago ang mga tunay na salarin at mas maiging hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng mga otoridad.

Matatandaan na hindi lamang ito ang unang beses na may maganap na pambobomba sa Marawi City ngunit ayon kay Matula, ito ang unang pagkakataon na sa loob mismo ng naturang paaralan naganap ang krimen kung saan maraming buhay ang nadamay.

Panawagan nito sa mga religious groups na huwag pairalin ang religious conflicts o ang pagkakaiba ng mga paniniwala upang gawin ang isang karumal-dumal na krimen.

Inanyayahan din nito ang mga kapwa niya alumnus at alumna o ang dating estudyante ng nasabing paaralan na makiisa sa pagtulong sa eskwelahan lalo pa at ang mga mag-aaral dito ay kabilang sa mga nasa laylayan ng lipunan at nakatanggap lamang ng scholarship mula sa pamahalaan kaya sila nakakapag-aral.

Pagbabahagi pa ni Matula na ang campus ng Mindanao State University ay open at hindi gaanong istrikto pagdating sa pagpapapasok ng mga sibilyan. Hindi rin aniya required ang ID kung papasok ang kung sinuman.


Ito marahil aniya ang isa sa mga rason kung bakit nakapasok ang mga suspek na maituturing marahil na failure of intelligence.

Mungkahi nito na lagyan ng harang ang bawat border ng paaralan at mas pag-igihan ang pagsiguro ng seguridad ng mga mag-aaral upang hindi maulit pa ang insidente.