DAGUPAN CITY — Wala ng buhay nang matagpuan ang 48-anyos na lalaki ng kanyang kapatid na nakasabit mula sa isang kawayan sa kanilang bahay sa bayan ng Umingan.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Arnold Soriano, Chief of Police ng Umingan Municipal Police Station, sinabi nito na kinilala ang biktima na si Nelson Benitez Valenzuela, 48-anyos, isang pintor, at residente ng Brgy. Caurdanetaan sa nasabing bayan. Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na nadiskubre ang insidente ng kapatid ng biktima na si Lorna Valenzuela Peru, 44-anyos, at residente ng parehong lugar.


Aniya, na habang nagtatapon ng mga basura ang kapatid ng biktima ay napansin nito ang kanyang kuya nakasabit sa kawayan sa likod ng bahay nito gamit ang isang nylon rope.

--Ads--


Ang pagsisiyasat sa katawan ng biktima ay nagpakita ng paninigas ng katawan nito at wala namang anumang senyales ng foul play. Dinala naman ang biktima sa pagamutan subalit dineklara na itong Dead on Arrival ng kanyang attending physician.


Ayon sa pamilya ng biktima, nakakaranas umano ito ng depresyon dahil sa mga problema sa pamilya at pinansyal na suliranin dahil nakakaranas umano ang asawa nito ng breast cancer at sumasailalim sa chemotherapy. Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na isailalim pa ito sa autopsy habang nakalagak na ngayon ang kanyang mga labi sa isang funeral home sa parehong lugar.
Samantala, ito na umano ang ikatlong kaso ng suicide sa kanilang bayan kung saan ay maituturing nilang dahilan ang kahirapan sa buhay ng pagkitil sa kani-kanilang mga buhay ng mga biktima.


Isa naman sa isinasagawa nilang interbensyon ay ang pakikipagugnayan sa DSWD at lokal na pamahalaan upang mabantayan ang mga salik na nakdaragdag o nag-aambag sa kaso ng suicide sa kanilang lugar.

Samantala, Dead on Arrival naman ang isang 61-anyos na lalaki dahil sa hinihinalang atake sa puso.


Sa kaugnay na panayam, ibinahagi ni PMaj. Soriano na kinilala ang biktima na si Francisco Ramirez Castro, residente ng Bugallon Proper, Ramon, Isabela.


Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na sumakay umano ng bus patungong Tugegarao ang biktima mula sa bayan ng Balungao, at nang makarating sila sa Brgy. Poblacion West, Umingan, ay napansin ng isa sa mga pasahero na kinilalang si Jerrylou Sotto, 35-anyos, residente ng Quirino City, Isabela ang biktima na naninigas at balisa, kaya kaagad naman nitong sinabihan ang konduktor ng bus na si John Niel Ligayo Callo, 24-anyos, at residente ng Tuguegarao City, Isabela.


Nang lapitan umano ng konduktor ang biktima ay dito na niya nakitang nahihirapang huminga ang biktima. Kaagad naman nilang dinala ang biktima ssa pinakamalapit na ospital subalit idineklara rin itong dead on arrival.